The Da Vinci Code
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang The Da Vinci Code (Ang Kodigo ni Da Vinci) ay isang misteryong nobela ng Amerikanong may-akda na si Dan Brown, ipinalimbag noong 2003 ng Doubleday Fiction. Naging bestseller ito sa buong mundo na may mahigit sa 40 milyong kopya (hanggang Marso 2006) ang naibenta at naisalin sa 44 na mga wika. Pinagsama-sama ang mga uri ng kuwento (genres) na detektib, nanggugulat (thriller) at konspirasyong teoriya, ikalawang bahagi ang aklat ng isang trilohiya na nagsimula sa nobela ni Brown noong 2000 na Angels and Demons, na ipinakilala ang karakter ni Robert Langdon. Noong Nobyembre 2004, inilimbag ng Random House ang isang "Special Illustrated Edition", kasama ng 160 ilustrasyon na nakalagay kasama ang teksto.
Kinakasangkutan ng balangkas ng nobela ang isang konspirasyon ng Simbahang Katoliko na pagtakpan ang "tunay" na kuwento ni Hesus. Alam ito ng Batikano at nabubuhay sila sa kasinungalingan upang manatili sa kapangyarihan. Naging daan ang nobela upang magkaroon ng popular na interes sa paghihinala sa alamat ng Banal na Kalis at ang ginagampanan ni Maria Madalena sa kasaysayan ng Kristiyanismo. Pinuri ng mga taga-hanga ng libro bilang isang malikhain, puno ng aksyon at nag-uudyok na mag-isip. Tinutuligsa naman ito ng mga kritiko dahil sa pagiging hindi tumpak, sakrilehiyo at sisihin ang maraming negatibong implikasyon tungkol sa Simbahang Katoliko at Opus Dei.
Naging tanyag ang nobelang ito ni Dan Brown noong 2003, na kinakalaban din ang benta ng isa ring tanyag na serye nobela — ang Harry Potter. Lumikha din ng mga aklat na patungkol sa nobela at nagkaroon ng mga buhay na buhay na pagsusuri ng New York Times, ang People Magazine at Washington Post [1]. Nagbigay-diwa din ang nobela para magkaroon ng grupong paglalakbay tulad ng "Da Vinci Code tours", at mga kompanya tulad ng Ravenchase Adventures na lumulikha ng mga kodigo ng Da Vinci katulad ng mga karera at pakikipagsapalaran gamit ang mga kodigo, ciphers, mga aktor at mga aparato. Pinasiklab din ang interes tungkol sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko, gayon din ang muling pagbabalik ng lakas ng interes sa simbahan. Nakalikha din ang Da Vinci Code ng mga ilang "knockoff" (ang tawag ng Publishers Weekly) [2], o mga nobela na may katulad na kuwento sa The Da Vinci Code, kabilang ang The Last Templar ni Raymond Khoury, at The Templar Legacy ni Steve Berry.
Ginawa itong pelikula ng Columbia Pictures, kasama ang isang screenplay na sinulat ni Akiva Goldsman, at sa direksyon ni Ron Howard. Lumabas ang pelikula noong Mayo 19 2006, at pinagbibidahan ni Tom Hanks bilang Robert Langdon, Audrey Tautou bilang Sophie Neveu, at si Sir Ian McKellen bilang Leigh Teabing.
[baguhin] Buod ng balangkas
Nilalahad ng aklat ang pagsubok ni Robert Langdon, Propesor ng Relihiyosong Simbolohiya sa Unibersidad ng Harvard, na lutasin ang pagkamatay ng bantog na konserbador na si Jacques Saunière (tingnan Bérenger Saunière) ng Museo ng Louvre sa Paris. Tumutukoy ang pamagat ng nobela, kasama ang ibang bagay, sa katotohanang na natagpuan ang katawan ni Saunière's sa Gusali ng Denon ng Louvre na walang damit at nakaporma na katulad ng tanyag na guhit ni Leonardo da Vinci, ang Vitruvian Man, kasama ang isang sikretong mensahe na nakasulat sa tabi ng kanyang katawan at isang Pentagrama nakaguhit sa kayang tiyan sa sarili niyang dugo. Nasa loob ng mga gawa ni Leonardo da Vinci, kabilang ang Mona Lisa at The Last Supper, ang interpretasyon ng mga lihim na mensahe na namayani sa paglutas sa kababalaghan.
Umiinog ang pangunahing pagkasalungat ng nobela sa paglutas sa dalawang kababalaghan:
- Ano ang lihim na pinangangalagaan ni Saunière na nagdulot sa kanyang pagpaslang?
- Sino ang nag-utos sa pagpatay sa kanya?
May mga ilang sabay-sabay na mga kuwento na sinusundan ng iba't ibang mga tauhan. Sa kalunan, nalulutas ang lahat ng balangkas ng kuwento sa huling bahagi ng nobela.
Kinakailangang malutas ang mga kababalaghan sa pamamagitan ng mga panukso-sa-utak (brain teasers), kabilang ang anagrama at ilang mga palaisipan. Matatagpuan ang kalutasan sa mga kabit-kabit na posibleng lokasyon ng Banal na Kalis at ang misteryosong lipunan na tinatawag na Priory of Sion, gayon din ang Knights Templar. Nasa balangkas din ng kuwento ang organisasyong Katoliko na "Opus Dei" (isang karikatura ng totoong Opus Dei).
Ikalawang aklat ang nobela sa isang trilohiya ni Brown, na si Robert Langdon ang pangunahing karakter. Nasa Roma ang tagpuan at tungkol sa Illuminati ang unang aklat, Angels and Demons. Bagaman nakasentro ang Angels and Demons sa kaparehong karakter, hindi na kailangang basahin ang libro upang maintindihan ang balangkas ng The Da Vinci Code. Pasamantalang itinakdang ilabas ang ikatlong aklat sa 2007 [3]. The Solomon Key ang pansamantalang pamagat nito, at patungkol ito sa mga Mason.