Palay
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang palay (genus Oryza) ay isang halaman sa pamilya ng mga damo na isang pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng maghigit sa kalahati ng populasyon ng tao sa buong mundo. Nababagay ang pagbubungkal ng palay sa mga bansang may mababang gastusin sa paggawa at maraming presipitasyon, dahil nangangailan ito ng labis na paggawa at maraming tubig para sa irigasyon. Bagaman, maaaring tumubo kahit saan, kahit sa tabi ng matarik na burol. Ang palay ang ikatlong pinakamalaking paninim, pagkatapos ng mais at trigo. Kahit na tubo ito sa Timog Asya at ilang bahagi ng Aprika, naging karaniwan na sa maraming kultura ang pagkalakal at eksportasyon nito sa mga nakalipas na mga dantaon.
Tinatawag itong palay kapag tumutukoy sa halaman at di pa nakiskis, bigas kapag nakiskis na, at kanin kapag naluto na at naging pagkain.