Sheryn Regis
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Si Sheryn Mae Poncardas Regis ay isang sikat na mang-aawit na isinilang sa Carcar, Cebu kina Bernardo at Daisy Regis. Siya ang panganay sa tatlong magkakapatid, kung saan kabilang sina Elton at Joseph.
Matatandaang mabuti si Sheryn bilang top-scorer sa Star in a Million kung saan siya ay sumali. Naiuwi niya ang pangalawang premyo matapos matalo ni Erik Santos noong Enero 2004. Mula sa pagkakakilanlang "Power Belter", hanggang "Shining Diva", si Sheryn ay mas kilala na ngayon bilang The Modern Jukebox Queen. Simula noon, nakuha na ni Sheryn ang pagsuporta at pagmamahal ng mga tao at mas kilala siya sa kanyang mga makapigil-hiningang rendisyon ng mga awiting kagaya ng "Come In Out of the Rain" ni Wendy Moten, "Maybe" ni Roberta Flack at Peabo Bryson, at ang kanyang sikat na rendisyon ng "Through the Fire" ni Chaka Khan. Hindi na lamang siya isang lokal na artista, dahil kabilang siya sa mga Champions na naglalakbay sa iba't ibang parte ng mundo para ipamahagi ang kani-kanilang mga talento.
Mga nilalaman |
[baguhin] Kabataan at Karera
Hindi naging madali ang kabataan ni Sheryn. Habang lumalaki, naranasan ng kanyang pamilya ang katotohanan ng buhay. Dahil sa kakulangan sa pera, kinailangang magtrabaho ng kanyang ama sa Saudi Arabia. Noong mga panahong iyon iniudyok si Sheryn ng kanyang inang si Daisy sa pag-awit. Sa katunayan, ang ama ni Sheryn ang kumakanta, ngunit ang kanyang ina ang pumalit sa lugar bilang tagaturo ni Sheryn sa pag-awit.
Sa maagang edad na 2, natuto na si Sheryn kumanta ng mga simpleng tono, alala ng kanyang ina. Ang una at paboritong kanta ni Sheryn sa mga patimpalak ay ang "Dito Ba" ni Kuh Ledesma, na natutunan ni Sheryn noong siya'y 5 taong gulang. Sa edad na 7, nagsimulang sumali si Sheryn sa mga paligsahan ng pag-awit. Ang napapanalunan niya ay ginagamit upang bumili ng mga album ni Shirley Bassey para sa kanyang piyesa para sa mga susunod na paligsahan. Sa edad na 8 napanalunan ni Sheryn ang pinakamataas na premyo sa kantang "Saan Ako Nagkamali?" ni Ms. Tillie Moreno.
Habang ang ibang bata ay gumugugol ng oras sa paglalaro, si Sheryn ay walang-sawang nagsasanay para sa kanyang mga piyesa. Kahit walang pormal na pag-aaral, naaalala ni Sheryn na siya'y kumakanta sa tabi ng malalim na balon para maabot ang matataas na nota. Hindi maitatangging ang pag-awit ay hilig ni Sheryn.
Bukod sa pagkanta, nasubukan na ni Sheryn magturo ng pagkanta sa mga bata habang nasa mataas na paaralan. Noong nasa kolehiyo, nakatapos si Sheryn ng kursong B.S. Secondary Education, Major in English sa Cebu Normal University. Noong mga panahong ito rin siya napabilang sa teatro. Dahil dito ay nakapaglakbay siya sa ibang bansa kabilang ang Canada at Amerika. Noong taong 1999, nanalo si Sheryn bilang Pinakamahusay na Tagaawit sa Cebu Pop Music Festival (isang paligsahan sa paglikha ng kanta) at ang orihinal na piyesang pinaawit sa kanya ay nanalo rin ng pinakamataas na premyo.
Nagtrabaho si Sheryn bilang isang mang-aawit sa Cebu Plaza Hotel kung saan niya nakilala ang pag-ibig ng kanyang buhay. Ang kanyang asawa, si Earl Echiverri, ay piyanista noon. Kahit may kalakihan ang agwat ng edad, hindi ito naging hadlang kena Sheryn at Earl. Noong 2002 ay ikinasal sila at biniyayaan ng isang napakagandang anak noong 2003 na kilala sa tawag na "Sweetie".
Noon ring taong iyon, sinubukan ni Sheryn ang kanyang kapalaran sa Star in a Million ng ABS-CBN. Siya'y parating angat sa kanyang mga katunggali, ngunit umuwing first runner-up at texter's choice awardee. Bumalik si Sheryn ng Cebu sa pag-aakalang ito na ang katapusan ng kanyang mga pangarap, ngunit hindi niya inaasahang may mag-aalok ng kontrata sa kanya bukod sa ABS-CBN. Matapos ang mabusising pagpili, tinanggap ni Sheryn ang alok ng ABS-CBN dahil sa kanyang pagtanaw ng utang na loob sa istasyon.
[baguhin] Mga Naganap sa Kasalukuyan
Sa huli, maituturing na ring kampeon si Sheryn. Maraming mga oportunidad ang dumating sa kanya matapos matalo sa SIAM. Ang kantang ikinatalo niya, ang "Come In Out of the Rain", ay naging paborito sa mga radio charts, hanggang umabot sa unang puwesto at tumagal ng 12 na linggo sa MYX Hit Chart. Ang kanyang unang album mula sa Star Records na pinamagatang, "Come In Out of the Rain", ay inilabas noong Abril 2004 at naging platinum sa loob lamang ng tatlong buwan. Mula sa nasabing album nagmula ang kantang "Kailan Kaya" na isinulat nina Cacai Velasquez at Raul Mitra para sa fantaseryeng Marina. Naging bahagi rin si Sheryn ng maraming variety shows, kabilang ang Magandang Tanghali Bayan, Most Requested Show, at ASAP ’06. Napili si Sheryn ni Vehnee Saturno upang kumatawan sa Pilipinas para sa 2004 Voice of Asia Song Festival na ginanap sa Kazakhstan kung saan siya nanalo ng ikalawang premyo. Kasama niya sina Sarah Geronimo, Erik Santos, Rachelle Ann Go, Frenchie Dy, Jerome Sala, Kris Lawrence, Jed Madela, Mark Bautista, at Christian Bautista sa grupo ng mga "Champions", mga mang-aawit na Pilipinong sumikat dahil sa mga paligsahan ng pagkanta.
Noong Hulyo 2005, inilabas ni Sheryn ang kanyang pangalawang album na pinamagatang, "What I Do Best", kung saan ang kantang "What I Do Best" ay pinarangalang Best Song by a Female Performer sa iFM Pinoy Music Awards ng nasabing taon. Siya ang boses sa likod ng kantang "Sabihin Mo Sa Akin", ang awitin para sa fantaseryeng Kampanerang Kuba ng ABS-CBN na ginampanan ni Anne Curtis. Ang kanyang kantang "Hindi Ko Kayang Iwan Ka" ay napili bilang love theme song ng teleserye nina Kristine Hermosa at TJ Trinidad na Gulong ng Palad, at naging paborito rin sa mga istasyon ng radyo. Ang kanta naman niyang "Dahil Nagmamahal" ay napiling theme song sa programang Nagmamahal, Kapamilya ni Bernadette Sembrano. Naging host si Sheryn ng katatapos lamang na Search for the Star in a Million Season 2 kasama ang mga kampeong sina Erik Santos, Rachelle Ann Go, at Mark Bautista. Siya rin ang host ng Little Big Star Cebu, na kamakailan lamang ay naihanay bilang ikaapat na top-rating na programa sa Nationwide Charts ng ABS-CBN.
Noong nakaraang Nobyembre 2006, inilabas ang ikatlong album ni Sheryn na pinamagatang, "The Modern Jukebox Collection". Ang album na ito ay naglalaman ng mga awiting kinalakhan na ng nakararami, kabilang ang "Ang Pag-ibig Kong Ito" ni Leah Navarro, "Alam Mo Ba" ni Vina Morales, "Sayang na Sayang" ni Manilyn Reynes, "I Remember the Boy" ni Joey Albert, at "After All" ni Linda Eder. Maliban sa mga ito ay mayroon ding mga bagong awitin ang album, kabilang ang sariling komposisyon ni Sheryn na pinamagatan niyang, "Pusong Lito". Ang iba pang orihinal na likha ay ang "Bago Magbukas" ni Barbie Dumlao, "Bakit Iniwan Mo?" ni Larry Hermoso, "Ang Lahat Para Sa'yo" ni Ricky Sanchez, at "'Di Na Ba Babalik Pa?" ni Vehnee Saturno. Kabilang din ang theme song ng teleserye ng ABS-CBN na "Maria Flordeluna" na nilikha naman ni Jonathan Manalo.
[baguhin] Mga Album
[baguhin] Mga Single
- Mula sa Come In Out of the Rain
- Mula sa What I Do Best
- Mula sa The Modern Jukebox Collection
- 2006: Ang Pag-ibig Kong Ito
[baguhin] Mga Parangal
- Pinakamagaling na Taga-awit at Kampeon, Ika-17 na Cebu Pop Music Festival (Enero 1999)
- University Songbird of the Year, Cebu Normal University (2000)
- Ikalawang premyo, Voice of Asia Song Festival, Kazakhstan (Agosto 2004)
- Top Entertainer International Achievement Awardee, 21st Year-Ender Excellence Awards (Pebrero 2005)
- Best Female Performer, People's Choice Awards (Oktubre 2005)
- Best Song by a Female Performer para sa "What I Do Best", iFM Pinoy Music Awards (Enero 2006)
- Song of the Year Award para sa "Hindi Ko Kayang Iwan Ka", S-Magazine's People's Choice Awards (Oktubre 2006)