Alin Mang Lahi
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang "Alin Mang Lahi" ay isang awiting Kundiman na nilikha ng Pambansang Bayaning Filipino na si Dr. Jose Rizal. Maliwanag na isinasaad sa kundimang "Alin Mang Lahi" na ang hangaring ipagtanggol ang kalayaan at mga karapatan ng Inang Bayan ay dapat laging nasa puso at diwa ng bawa't Filipino.
ALIN MANG LAHI
Kundiman ni Dr. Jose P. Rizal
Alin mang lahi, insinasanggalang
Sa lupit ang kanyang lupang tinubuan
Tuloy pinaghahandugan
Ng buhay at dugo kung kailangan.
Ang kamatayan man, kung saka-sakali't
Igiginhawa ng mga kalahi
Tatanggapin na may ngiti
Kaaliwa't tuwang di mumunti.
Nguni’t pagkasawing-palad yata
Ng katagalugang napapanganyaya
Bukod pa sa ibang umaaba
Lalong nagbibigay-hapis ang ibang kapwa.
Sabagay di kulang sa pupuhunanin
Lakas, dunong, tapang, yaman ay gayon din
Aywan kung bakit at inaalipin
Ng bawa’t lahing makasuno natin?
[baguhin] =======
Para kay Dr. José P. Rizal at sa lahat ng mga bayaning tulad nina Andres Bonifacio, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, atbp, matamis ang magbuwis ng buhay at dugo upang makalaya ang Inang Bayan. Ito ang isinasaad ng mga salitang,
Ang kamatayan man, kung saka-sakali't
Igiginhawa ng mga kalahi
Tatanggapin na may ngiti
Kaaliwa't tuwang hindi mumunti.
Nguni't ano ang mapait na nangyayari? Higit na mapait at masaklap ang ipagkanulo ng kapuwa Filipino nating mga kababayan, tulad ng sinasabi sa istansang ito:
Nguni’t pagkasawing-palad yata
Ng Katagalugang napapanganyaya
Bukod pa sa ibang umaaba
Lalong nagbibigay-hapis ang ibang kapwa.
Ito'y katumbas ng pagmamalabis, pagsasamantala at pagmamalupit natin sa ating sariling kababayan na walang kakayahang ipagtanggol ang mga sarili dahil sa kanilang kakulangan ng dunong at yaman.