Malayo
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
- Para sa ibang gamit, tingnan Malayo (paglilinaw).
Ang mga Malayo (mula sa wikang Malayo na Melayu) ay kalipunan ng iba't-ibang lipi ng tao na namamayan sa kapuluan ng Malaya at tangway ng Malaya sa Timog-silangang Asya.
Binubuo ito ng mga pangunahing etnikong lipi sa Malaysia, Indonesia, Brunei, Pilipinas, at Silangang Timor. Kasama rin dito ang Singapore na tinatawag ng kapuluan ng Malaya.
Sa Singapore, menoridad ang mga Malayo dahilang karamihan ng kanyang pamayanan ay binubuo ng mga mandarayuhang Tsino at Timog Asyano na dumating kamakailan at mga inapo nito. Gayundin, kahit hindi teknikal na bahagi ng kapuluan ng Malaya, ang katimugang bahagi ng Thailand – ang rehiyong Pattani – ay pinamamayanan din ng mga Malayo. Ito ang mga inapo ng mandarayuhan mula sa karatig ng kapuluan ng Malaya na nang lumaon ay nagpundar sa kaharian ng Pattani, isa sa maraming sultanang musulmano na itinatag noong panahon ng pagpapalawak ng Islam sa Timog Silangang Asya.
Kapatid na wika ng mga Malayo ang mga grupong Polines at Mikrones ng Gitnang Pasipiko bilang kasapi ng malawak na pamilyang Austrones ng mga wika. Ang mga ebidensya ay nagpapahiwatig rin na ang mga Polines at Mikrones ay maaring nagmula – sa isang dako – sa mga ninunong mandaragat na nagmula sa palibot na lahing Malayo kasama ang mga Melanes. Maitim ang buhok ng mga Malayo. Ang kanilang balat ay kayumangging mura hanggang kayumangging kaligatan.
Mga nilalaman |
[baguhin] Ang ugat ng katagang Malayo
Ayon sa kasaysayan ng Jambi, ang salitang Melayu o Malayu (kung saan nanggaling ang Malaya o Malayo sa Tagalog) ay mula sa isang ilog na may pangalang Sungai Melayu malapit sa Sungai Batang Hari ng kasalukuyang bayan ng Muara Jambi, lalawigang Jambi ng Sumatra, Indonesia. Ang nagpundar ng Malacca Parameswara ay isang prinsipe ng Palembang na pag-aari ng isang bansang tinatawag na Malayu noong siglo 7. Malinaw na itinala ito ni Yi Jing (635-713) sa kanyang talaarawang aklat na mayroong bansang may pangalang 'Ma-La-Yu'. Ayon sa mga arkeolohikong pananaliksik ng Jambi, maraming mga kasangkapan pang-arkitektura noong sinaunang Melayu ang natagpuan kasama ang mga ebidensya nito. Sa matandang wikang Tamil ng India, 'Kanlurang Bundok' ang ibig sabihin ng Malaya.
Ang salitang "Malay" sa Ingles ay galing mula sa salitang Holandes na "Malayo" na nagmula naman sa na “Melayu” ng salitang Malayo. Ayon sa isang hinuang popular, ang salitang Melayu ay nangangahulugan ng "dumayo" o "lumayo", na maaring pakahulugan sa mapaglakbay na lipi sa rehiyong ito.
Noong taong 1775 sa kanyang disertasyon sa pagkapantas na may pamagat na De generi humani varietate nativa (Sa likas na uri ng sangkatauhan), nag-ulat ng apat na pangunahing lahi sa pagamit ng kulay ng balat ang antropologong si Johann Friedrich Blumenbach. Kasama rito ang Caucasiano (puti), Etiope (itim), Amerikano (pula), at ang Monggol (dilaw).
Nang dumating ang 1795, nagdagdag si Blumenbach ng isa pang lahi na tinatawag na Malayo na sinasabing sub-kategorya ng lahing Monggol. Kasama sa lahing Malayo ang mga taong may "kulay kayumanggi na may balat na mapusyaw na katulad ng kamagong hanggang sa kulay ng madilim na clavo de comer o kulay kapeng kastanyas." Pinalawak ni Blumenbach ang katagang "Malayo" kasama ang mga naninirahan sa Marianas, Pilipinas, Maluku, Sunda gayundin ang mga naninirahan sa mga pulo ng Pasipiko tulad ng mga taga-Tahiti. Kanyang ipinalagay sa natanggap niyang bungo ng isang taga-Tahiti ang nawawalang karugtong na nagpapakita ng transisyon sa pagitan ng "pangunahing" lahi, ang Caucasiano, at ng "pinanggalingang" lahi, ang lahing itim.
Mula kay Blumenbach, maraming nagpabulang mga antropologo sa hinua ng limang lahi dahil sa malaking komplikasyon sa pag-uuri ng lahi.
Ang katagang ito ay ginagamit bilang isang pagkilala sa isang lahi sa malawak o tiyak na kaisipan.
Halimbawa sa Pilipinas, maraming mga Pilipino ang nagsasabi na ang katagang "Malayo" ay mga katutubong namamayan sa bansang ito gayundin ang ang namamayan sa karatig bansa ng Malaysia at Indonesia. Ang maling kaisipang ito ay mula, sa isang dako, kay H. Otley Beyer, isang antropologong Amerikano sa Pilipinas na nagmungkahi na ang mga Pilipino ay mga Malayo na dumayo mula sa Malaysia at Indonesia. Ang kaisipang ito ay pinalawig ng mga Pilipinong manunulat sa kasaysayan at na kasalukuyan pa ring itinuturo sa mga paaralan sa Pilipinas. Alalaumbaga, ang kasalukuyang konsensus ng mga kontemporaryong antropologo, arkeologo, at lingguwista ay nagmumungkahi ng kabaliktaran nito; kasama rito ay mga iskolar sa larangan ng pag-aaral ng Austrones tulad nina Peter Bellwood, Robert Blust, Malcolm Ross, Andrew Pawley, at Lawrence Reid.
[baguhin] Ang daigdig ng mga Malayo
Sa palansak na gamit, ang katagang "Malayo" ay tumutukoy sa lahat ng magkakaugnay na grupo na naninirahan sa kapuluan ng Malayo (hindi kasama ang matatandang katutubo nito). Kasama rito ang mga Aceh, Minangkabau, Batak at Mandailing na naninirahan sa Sumatra, Java; at Sunda sa Java; mga Banjar, Iban, Kadazan at Melanau sa Borneo; mga Bugi at Toraja ng Sulawesi; ang mga pangunahing etnikong grupo sa Pilipinas tulad ng mga Tagalog, Ilocano at Ifugao ng Luzon, mga Bisaya sa gitna ng Pilipinas, ang mga Maguindanao, Tausug at Bajau ng Mindanao at ng kapuluang Sulu; at mga mamayan ng Silangang Timor (hindi kasama ang matandang katutubong Papuano.)
Sa tiyak na kaisipan, ang katagang Malayo ay tumutukoy rin sa isang grupo na taal sa silangang bahagi ng Sumatra na dumayo sa Tangway ng Malayo at sa Kapuluang Riau nitong mga nakaraang libong taon. Minsan, ngunit madalang, ang grupong ito ay tinatawag na “Malayong Riau” upang ipakita bilang isang hiwalay na grupo.
Ang katagang Melayu (taong Malayo sa wikang Malayo) sa Konstitusyong Federal ng Malaysia ay tumutukoy sa isang taong nanampalataya sa Islam at kulturang Malayo, nagsasalita ng wikang Malayo, at may ninunong Malayo. Gayunman, hindi lahat ng Malayo ay naging Musulmano (Islamo).
Ang iba pang grupo na isinasama bilang mga Malayo, ngunit naninirahan sa labas ng kapuluan ng Malayo, ay ang mga Cham ng Cambodia at Vietnam at mga Utsul na naninirahan sa pulo ng Hainan. Ang mga inapo ng mga Malayo ay matatagpuan ngayon sa Sri Lanka, Timog Aprika (ang Cape Malays) at Madagascar. Sa Madagascar, Merina ang tawag sa kanila at isa sa pangunahing etnikong grupo sa bansang ito.
Sa Suriname, na isang maliit na bansa sa Caribe sa hilagang-silangang pasigan ng Timog Amerika, ay may malaking bilang ng mga Malayo na mga inapo ng manggawang Javanes na nandayuhan nitong mga kamakailan.
[baguhin] Ang etnikong grupo at pangkalinangang daigdig ng mga Malayo
Sa bronse ni Malvina Hoffman, dalawang lalaki ang naghahanda ng kanilang panabong habang nanunuod ang isang batang lalaki kumakain ng prutas. Naninimbang ang isang babaeng may dalang prutas sa kanyang uluhan. Field Museum of Natural History, Chicago
Ang katagang Malayo ay tumutukoy sa etnikong grupo na naninirahan sa tangway ng Malayo (na kasama ang pinakatimog na bahagi ng Thailand na tinatawag na Pattani at Satun) at silangang Sumatra gayundin ang ang daigdiging kultural na lumalagom sa malaking bahagi ng kapuluan. Sa Malaysia at Brunei, mayoridad ang etnikong Malayo, at isang malaking menoridad sa Singapore at Indonesia. Nagsasalita sila ng iba’t-ibang dialekto ng wikang Malayo. Ang dialekto ng tangway ang saligang wika ng mga Malayo ng Malaysia at Singapore. Ang dialektong Riau naman ng silangang Sumatra ang pambansang wikang Indones (Bahasa Indonesia) sa buong Indonesia. Ang etnikong Malayo ang nangingibabaw (ngunit hindi lahat ay Muslim) sa Brunei, Singapore, timoging Thailand, Indonesia at Malaysia. Sa Pilipinas at Silangang Timor, marami ang Kristiyano sa kanila. Sa Malaysia, ang karamihan ng populasyon ay etnikong Malayo kasama ng ibang menoridad tulad ng timoging Tsino (e.g. Hokkien at mga Cantones), timoging Indio (ang karamihan ay mga Tamil at Malayali) gayundin ang mga Eurasyano.
Nasala ang impluwensya ng kulturang Malayo sa buong kapuluan tulad ng monarkong estado, relihiyon (Hinduismo/Budismo noong unang milenyo AD, Islam noong ikalawang milenyo) at ang wikang Malayo. Ang makapangyarihang kaharian ng Srivijaya ang nag-isa sa iba't-ibang grupong etniko sa timog silangang Asya bilang isang pinag-isang daigdiging kultural sa halos isang milenyo. Noong panahong iyon nangyari ang malawak na paghiram ng mga salita at konsepto sa Sanskrit na nagpadali sa paglinang ng Malayo bilang isang wika. Malayo ang pinaka rehiyonal na lingua franca at ang mga wikang creolo mula sa Malayo ang ginagamit sa mga punduhang kalakalan sa Indonesia.
Sa malawak na kaisipan, kasama ng katagang Malayo ang halos lahat na grupong etiniko ng Pilipinas at Indonesia kanluran ng Papua. Mas mainam na unawain ito bilang grupong kultural hindi bilang isang lahi. Halimbawa, ang mga taga pulo ng Maluku at Nusa Tenggara ay may maligat na balat na madaling tawagin bilang Malayo kaysa mga Dayak ng kalooban ng Borneo.
[baguhin] Mga wika
Kasapi ang mga wikang Malayo ng pamilya ng wikang Malayo-Polines na isa sa maraming sanga sa loob ng pamilya ng wikang Austrones. Kasama ng malaking pamilya ng mga wikang ito ang lahat ng katutubong wika ng mga Malayo sa buong kapuluang Malayo kasama rito ang Indones, Bahasa Malaysia, Tagalog at lahat ng katutubong wika ng Pilipinas, Tetum (Silangang Timorese), at ang wikang Malagasy ng Madagascar.
Ang malalayong kasapi ng malaking pamilya ng mga wika na nasa sangang Polines ay ang mga wikang ginagamit ng mga Polines tulad ng Samoan, Hawaiian, Rapanui at Maori ng New Zealand.
[baguhin] Relihiyon
Sa pananampalataya, karamihan ng mga Malayo ay naging Musulmana mula sa Hinduismo, Budismo at animismo noong unang bahagi ng siglo 15; sila ay naimpluwensiyahan na mga mandaragat na Arabe, Tsino at Muslim mula sa India noong Ginintuang Panahong Islamika. Ang Musulmana ang dominanteng grupo ng relihiyon ngayon ng mga Malayo ng Indonesia, Malaysia, Brunei at Singapore. Ang kanilang pagiging Muslim mula Hinduismo at Budhismong Theravada ay nagsimula noong mga taong 1400 na malaking naimpluwensyahan ng desisyon ng maharlikang korte ng Malaka. Karamihan ng Malayo ng Thailand, Timog Aprika, Sri Lanka at Suriname ay mga Muslim din bilang inapo ng mga nabinyagang mga Muslim ng Malaysia, Indonesia, atbp.
Ang mga imaheng ginto ni Garuda, ang sarimanok sa tuktok ng Vishnu, ay nasumpungan sa Palawan sa Pilipinas. Isang gintong may pigurang diyosa ng Hindu-Malayo na 4 libra at 1 piyeng taas ang ngayon ay nanahan sa Field Museum ay natuklasan pulo ng Mindanao sa Pilipinas noong 1917. Dahilang ipinagbabawal sa Islam ang mga imahen at rebulto, nagpapakita na ang mga rebultong ito umiinog na sa Mindanao bago pa man dumating ang Islam. Maraming mga Malayo ng Mindanao ay Muslim din ngunit sinasabing ika-23 at huling grupo ng alon ng madarahuyuhan na dumating sa Pilipinas mula sa katimugan.
Sa Pilipinas bunga ng pagsakop ng mga Kastila nang mahigit tatlong siglo, ang Islam ay hindi nangingibabaw. Karamihan ng kasalukuang Pilipino (alin man ang sub-grupong Malayo) ay Kristiyano na karamihan ay Katoliko Romano. Gayunman, may malaking bilang ng Pilipino sa timoging pulo ng Mindanao at kapuluang Sulu ay Muslim ang nakibaka sa pananakop ng Espanya at magpasahanggang ngayon ay nakikibaka sa pamahalaang Pilipino.
Katulad ng mga Malayo ng Pilipinas, ang Malayo ng Silangang Timor ay mga Kristiyano rin bunga mga pananakop ng kolonisador na Portugues. Ang dalawang bansang ito ay mayoridad ng Kristiyano sa Dulong Silangang Asya.
Hinduismo ang nangingibabaw na relihiyon sa pulo ng Bali. Ang mga maliliit na pulo sa kapuluan ng Malaya na nakaiwas sa pagkalat ng Islam at sa pagsikat ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng pananakop ng mga Europeo ay naniniwala sa animismo. Mayroon ding nanampalataya kay Buddha.