Kagawaran ng Tagapagpaganap
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ayon sa Konstitusyong 1987 ng Pilipinas:
ANG KAGAWARAN NG TAGAPAGPAGANAP (The Executive Branch)
Ang kapangyarihang tagapagpaganap ay dapat masalalay sa isang Pangulo ng Pilipinas.
Hindi maaaring mahalal na Pangulo ang sino mang tao matangi kung siya ay isang katutubong ipinanganak na mamamayan ng Pilipinas, isang reshistradong botante, nakababasa at nakasusulat, apatnapung taon man lamang ang gulang sa araw ng halalan, at isang residente ng Pilipinas sa loob ng sampung taon man lamang kagyat bago ang gayong halalan.
Dapat magkaroon ng isang Pangalawang Pangulo na may katangian at taning ng panunungkulan na katulad ng sa Pangulo at dapat mahalal na kasabay at sa paraang katulad ng sa Pangulo. Maaari siyang alisin sa panunungkulan sa paraang katulad ng sa Pangulo.
Ang Pangalawang Pangulo ay maaaring hiranging kagawad ng gabinete. Hindi kinakailangan ang ano mang kumpirmasyon sa gayong paghirang.
Ang Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng tuwirang boto ng sambayanan para sa taning na anim na taon na magsisimula sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng halalan at magtatapos sa katanghalian ng gayon ding petsa pagkaraan ng anim na taon. Ang Pangulo ay hindi magiging karapat-dapat sa ano mang muling paghahalal. Ang sino mang tao na humalili bilang Pangulo at naglingkod nang gayon sa loob ng higit na apat na taon ay hindi dapat maging kwalipikado sa paghahalal sa katularing katungkulan sa alin mang panahon.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Pangalawang Pangulo sa loob ng mahigit sa dalawang magkasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkaputol sa pagpapatuloy ng paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
Maliban kung magtakda ng naiiba ang batas, ang regular na halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo aya dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo.
Ang mga ulat ng bawat halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo, na pinatibayan gaya ng nararapat ng lupong tagabilang ng bawat lalawigan o lungsod, ay dapat ipadala sa Kongreso, tukoy sa Pangulo ng Senado. Pagkatanggap ng sertipiko sa bilang, dapat buksan ng Pangulo ng Senado, nang hindi lalampas ang tatlumpung araw pagkaraan ng araw ng halalan, ang lahat ng mga sertipiko sa harap ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa magkasamang sesyon, at dapat bilangin ng Kongreso ang mga boto sa sandaling matiyak ang pagiging totoo at ang nararapat na pagsasagawa niyon sa paraang itinatadhana ng batas.
Ang taong may pinakamaraming bilang ng mga boto ay dapat ihayag na nahalal, ngunit sakaling dalawa o higit pa ang magakaroon ng patas at pinakamaraming bilang ng mga boto, ang isa sa kanila ay dapat piliin agad sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng Kongreso.
Dapat maglagda ang Kongreso ng mga tuntunin nito para sa pagbilang ng mga sertipiko.
Dapat maging tanging hukom ang Kataastaasang Hukuman, na nakalipon en banc, ng lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga ulat, at mga kwalipikasyon ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, at maaaring maglagda ng mga tuntunin nito para sa layuning iyon.
Bago magsimula sa pagtupad ng kanilang katungkulan ang Pangulo, ang Pangalawang Pangulo, o ang Nanunungkulang Pangulo, ay dapat magsagawa ng sumusunod na panunumpa o pagpapatotoo:
"Matimtim kong pinanunumpaan (o pinatotohanan) na tutuparin ko nang buong katapatan at sigasig ang aking mga tungkulin bilang Pangulo (o Pangalawang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo) ng Pilipinas, pangangalagaan at ipagtatanggol ang kanyang Konstitusyon, ipatutupad ang mga batas nito, magiging makatarungan sa bawat tao, at itatalaga ang aking sarili sa paglilingkod sa Bansa. Kasihan nawa ako ng Diyos." (Kapag pagpapatotoo, ang huling pangungusap ay kakaltasin.)
Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng isang tirahang opisyal. Ang mga sahod ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan. Hindi dapat magkabisa ang ano mang dagdag sa naturang sahod hanggang sa pagkatapos ng taning ng nanunungkulan na sa panahon ng kanyang panunungkulan pinagtibay ang gayong dagdag. Hindi sila dapat tumanggap sa panahon ng kanilang panunungkulan ng ano mang iba pang sweldo mula sa Pamahalaan o sa ano mang iba pang mapagkukunan.
Ang halal ng Pangulo at ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat manungkulan sa pagsisimula ng kanilang mga taning na panahon.
Kung ang halal na Pangulo ay hindi maging marapat sa tungkulin, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa maging marapat ang halal na Pangulo.
Kung mangyari na hindi nakapili ng isang Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa makapili at maging marapat ang isang Pangulo.
Kung sa pagsisimula ng panahon ng panunungkulan ng Pangulo ay namatay o pamalagiang nabalda ang halal na Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat maging Pangulo.
Sakaling hindi nakapili o hindi naging marapat ang isang Pangulo at Pangalawang Pangulo, o sakaling sila ay kapwa namatay o pamalagiang nabalda, ang Pangulo ng Senado o, kung hindi nito kaya, ang Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ay dapat gumanap na Pangulo hanggang makapili at maging marapat ang isang Pangulo o isang Pangalawang Pangulo.
Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ang Kongreso para sa pagpili ng isang tao na manunungkulang Pangulo hanggang sa maging kwalipikado ang isang Pangulo o isang Pangawalang Pangulo, kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o kawalang-kaya ng mga opisyal na tinutukoy sa sinundang talataan.
Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo, ang Pangawalang Pangulo ay dapat maging Pangulo na manunungkulan sa di-natapos na bahagi ng taning ng panahon ng panunungkulan. Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkakaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, ang Pangulo ng Senado o, kung hinding nito kaya, ang Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang dapat gumanap kung gayon na Pangulo hanggang sa mahalal at maging marapat ang Pangulo o Pangalawang Pangulo.
Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ng Kongreso kung sino ang maglilingkod na Pangulo kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o pagbibitiw ng Nanunungkulang Pangulo. Siya ay dapat na maglingkod hanggang sa ang Pangulo o Pangalawang Pangulo ay mahalal at maging marapat, at dapat sumailalim sa katularing mga katakdaan ng mga kapangyarihan at diskwalipikasyon katulad ng sa Nanunungkulang Pangulo.
Kailanman at may bakante sa katungkulan ng Pangalawang Pangulo sa taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya, ang Pangulo ay dapat magnomina ng isang Pangalawang Pangulo mula sa mga kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan na dapat manungkulan sa sandaling makumpirmahan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa magkahiwalay na pagboto.
Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pagpupulong sa ikasampu ng umaga ng ikatlong araw pagkaraang mabakante ang mga katungkulan ng Pangulo at ng mga Pangalawang Pangulo, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi mangangailangang itawag, at sa loob ng pitong araw ay magpatibay ng batas na tumatawag ng tanging halalan upang maghalal ng isang Pangulo at isang Pangalawang Pangulo na idaraos nang hindi aaga sa apatnapu't limang araw o di lalampas sa animnapung araw mula sa panahon ng pagtawag na iyon. Ang panukalang-batas sa pagtawag ng tanging halalan ay ituturing na pinagtibay sa ilalim ng Talataan bilang 2, Seksyon 2, Artikulo VI ng Konstitusyong ito at dapat maging batas matapos pagtibayin sa ikatlong pagbasa ng Kongreso. Ang laang-gugulin at hindi dapat masaklaw ng mga pangunang kinakailangan na itinatakda ng Talataan 4, Seksyon 25, Artikulo VI ng Konstitusyong ito. Ang pagpupulong ng Kongreso ay hindi maaaring suspindihin ni ipagliban kaya ang tanging halalan. Hindi dapat tumawag ng ano mang tanging halalan kapag ang pagkabakante ay nangyari sa loob ng isang daan at walumpung araw bago sumapit ang petsa ng susunod na halalang pangpanguluhan.
Kailan man at nagpahatid ang Pangulo sa Pangulo ng Senado at sa Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na hindi niya kayang gampanan ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang kantungkulan, at hangga't hindi siya nagpapahatid sa kanila ng nakasulat na salungat na deklarasyon, ang gayong mga kapangyarihan at mga tungkulin ay dapat gampanan ng Pangalawang Pangulo bilang Nanunungkulang Pangulo.
Kailanman at ang nakararami sa lahat ng mga Kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat bumalikat agad sa mga kapangyarihan at tungkulin ng katungkulan bilang Nanunungkulang Pangulo.
Pagkatapos niyon, kapat ang Pangulo ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na walang umiiral na ano mang kawalang-kaya, dapat niyang balikating muli ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan. Samantala, kapa ang nakararami sa lahat ng kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa loob ng limang araw ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, dapat pagpasiyahan ng Kongreso ang bagay na ito. Para sa layuning ito, dapat magpulong ang Kongreso sa loob ng apatnapu't walong oras, kung ito ay walang sesyon, alinsunod sa mga alituntunin nito at hindi na nangangailangang itawag.
Kung ipasya ng Kongreso, sa loob ng sampung araw pagkatanggap sa huling nakasulat na deklarasyon, o, kung walang sesyon, sa loob ng labindalawang araw pagkaraang ito ay kinakailangang magtipon, sa pamamagitan ng dalawang-katlong boto ng kapwa Kapulungan ng Kongreso, sa magkahiwalay na pagboto, na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat manungkulang Pangulo; kung hindi, dapat magpatuloy ang Pangulo sa pagtupad ng mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan.
Sakaling magkasakit nang malubha ang Pangulo, dapat ipabatid sa taong-bayan ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Ang mga Kagawad ng Gabinete na nangangasiwa sa kapanatagang pambansa at ugnayang panlabas at ang Puno ng Estado ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ay hindi dapat pagkaitang makalapit sa Pangulo sa panahon ng gayong pagkakasakit.
Ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, ang mga Kagawad ng Gabinete, at ang kanilang mga deputy o mga pangalawa, sa loob ng taning na panahon ng kanilang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ano mang iba pang katungkulan o pagka-empleyado maliban kung magtadhana ng naiiba sa Konstitusyong ito. Sa panahon ng nasabing panunungkulan, sila ay hindi dapat maglingkod ng tuwiran o di-tuwiran ng ano mang iba pang propesyon, lumahok ng tuwiran o di-tuwiran sa ano mang negosyo, o maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata, o sa alin mang prankisya, o natatanging pribilehiyo na kaloob ng Pamahalaan o ng alin mang bahagi, sangay, o instrumentalidad niyon, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng Pamahalaan o mga subsidiary nito. Dapat nilang pakaiwasang mahigpit ang salungat na interes sa pagtupad ng kanilang katungkulan.
Ang asawa at mga kamag-anak ng Pangulo sa dugo o sa relasyon hanggang ika-apat na antas sibil, sa taning na panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat mahirang na mga Kagawad nga mga Komisyong Konstitusyonal, o ng Tanggapan ng Ombudsman, o mga Kalihim, mga Pangalawang Kalihim, mga taga-pangulo o mga puno ng mga kawanihan o mga tanggapan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng Pamahalaan at mga subsidiary nito.
Ang ginawang paghirang ng Nanunungkulang Pangulo ay mananatiling may-bisa, maliban kung pawalng-saysay ng halal na Pangulo sa loob ng siyamnapung araw mula sa kanyang paghawak o muling paghawak ng katungkulan.
Ang isang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo ay hindi dapat gumawa ng mga paghirang sa loob ng dalawang buwan kagyat bago sumapit ang susunod na halalang pampanguluhan at hanggang sa matapos ang kanyang taning ng panunungkulan, matangi sa mga pansamantalang paghirang sa mga katungkulang tagapagpaganap kung ang patuloy na mga pagka-bakante roon ay makapipinsala sa lingkurang pambayan o magsasapanganib sa kaligtasang pambayan.
Ang Pangulo ay dapat magnomina at, sa pagsang-ayon ng Komisyon ng Paghirang, dapat humirang ng mga puno ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga ambasador, iba pang mga pambayang minister at konsul, o mga pinuno ng sandatahang lakas mula sa rankong koronel o kapitan ng hukbong pandagat at iba pang mga pinuno na ang mga paghirang ay nakasalalay sa kanya sa Konstitusyong ito. Dapat din niyang hirangin ang lahat ng iba pang mga pinuno ng Pamahalaan na ang paghirang sa kanila ay walang ibang itinatadhana ang batas, at ng mga maaari niyang hirangin sa pamamagitan ng batas. Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magsalalay sa Pangulo lamang, sa mga hukuman, o sa mga puno ng mga kagawaran, mga sangay, mga komisyon o mga kalupunan, ng kapangyarihang humirang ng iba pang mga nakabababang pinuno.
Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kapangyarihang gumawa ng mga paghirang sa panahon na pahinga ang Kongreso, kusa o sapilitan man, subalit ang gayong mga paghirang ay dapat na may-bisa lamang hanggang sa disaprubahan ng Komisyon sa Paghirang o hanggang sa susunod na pagtitindig ng pulong ang Kongreso.
Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kontrol sa lahat ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga kawanihan, at mga tanggapan. Dapat niyang seguruhin ang matapat na pagpapatupad ng mga batas.
Dapat maging Commander-in-Chief ng lahat ng mga sandatahang lakas ng Pilipinas ang Pangulo at, kailanma't kakailanganin, maaari niyang atasan ang nasabing mga sandatahang lakas na pigilin o sugpuin ang labag sa batas na karahasan, pananalakay, o paghihimagsik. Kung sakaling may pananalakay o paghihimagsik, kapag kakailanganin ng kaligtasang pambayan, maaaring suspindihin niya, nang hindi hihigit sa animnapung araw, ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus o ipailalim sa batas militar ang Pilipinas o ang alin mang bahagi nito. Sa loob ng apatnapu't walong oras ng pagkapahayag ng batas militar o pagkakasuspindi ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus, ang Pangulo ay dapat magharap ng personal o tanging sesyon, ang nasabing pagkakapahayag o pakasuspindi, na hindi dapat isaisantabi ng Pangulo ang papapawalang-saysay na iyon. Sa pagkukusa ng Pangulo, maaaring palawigin ng Kongreso sa katulad na paraan ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi sa loob ng panahong itatakda ng Kongreso kung magpapatuloy ang pananalakay o paghihimagsik at kakailanganin ng kaligtasang bayan.
Ang Kongreso, kung walang sesyon, ay dapat magsimula ng pagpupulong sa loob ng dalawampu't apat na oras kasunod ng nasabing pagpapahayag o pagsuspindi, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi na nangangailangang itawag.
Maaaring pagbalik-aralan ng Kataastaasang Hukuman, sa isang nararapat na pagdinig na iniharap ng sino mang mamamayan, ang kasapatan ng pinagbatayang pangyayari sa pagpapahayag ng batas militar o pagsususpindi ng pribilehiyo ng writ o pagpapalawig niyon at kinakailangang maglagda ng pasya nito tungkol doon sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagkaharap nito.
Ang kalagayang batas militar ay hindi sumususpindi sa pag-iral ng Konstitusyon, ni hindi pumapalit sa panunungkulan ng mga hukumang sibil o mga kapulungang tagapagbatas, ni hindi nagpapahintulot sa pagbibigay sa mga sangay at hukumang militar ng hurisdiksyon sa mga sibilyan kung ang mga hukumang sibil ay nakapanungkulan, ni hindi kusang nagsususpindi sa pribilehiyo ng writ.
Ang pagsupindi sa pribilehiyo ng writ ay dapat sumaklaw lamang sa mga taong isinakdal sa hukuman ng paghihimagsik o ng mga pagkakasalang likas o tuwirang kaugnay sa pananalakay.
Sa panahong suspindido ang pribilehiyo ng writ, ang sino mang tao na dinakip o ipiniit sa gayon ay dapat ipagsakdal sa hukuman sa loob ng tatlong araw, kung hindi ay dapat siyang palayain.
Maliban sa mga kaso ng impeachment, o sa naiiba pang itinatadhana ng Konstitusyong ito, ang Pangulo ay maaaring magkaloob ng mga palugit, pagpapapagaan ng parusa, at patawad, at maaaring magpawalang-saysay ng mga multa at pagsamsam, pagkalagda ng pangwakas na hatol.
Dapat din na magkaroon siya ng kapangyarihang magkaloob ng amnesty sa pagsang-ayong ng mayorya ng lahat ng kagawad ng Kongreso.
Maaaring makipagkontrata o gumarantiya ang Pangulo ng mga pag-utang sa labas ng bansa sa kapakanan ng Republika ng Pilipinas na may pagsang-ayon muna ng Monetary Board, at sasailalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas. Ang Monetary Board ay dapat magharap sa Kongreso, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagtatapos ng bawat quarter ng taong pangkalendaryo, ng buong ulat ng mga pasya nito tungkol sa mga aplikasyon sa mga pag-utang na kokontratahin o gagarantiyahan ng Pamahalaan o ng mga korporasyong ari o kontrolado ng Pamahalaan na makapagpapalaki sa pagkakautang sa isang bansa, at naglalaman ng iba pang mga bagay-bgay na maaaring itadhana ng batas.
Hindi dapat maging balido at may-bisa ang ano mang kasunduang-bansa o kasunduang internasyonal nang walang pagsang-ayon ng dawalang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
Dapat magharap ang Pangulo sa Kongreso sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon bilang batayan ng panukalang-batas sa pangkalahatang laang-gugulin, ng budget nga mga gugulin, at mga mapagkukunan ng pananalapi kasama ang mga tinanggap mula sa kasalukuyan at panukalang mga batas sa revenue.
Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakataon.