Basilika ni San Pedro
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Basilika ni San Pedro na kilala sa wikang Italyano na Basilica di San Pietro in Vaticano at sa wikang Inggles na St. Peter's Basilica ay pangalawa sa limang sikat na basilika sa Roma at Batikano. Maaaring ang pinakamalaking simbahan sa Kristiyanismo, ang lawak nito ay humigit kumulang 23,000 metro kuwadrado at kaya nitong humawak ng higit sa 60,000 na tao. Isa sa pinaka sagradong lugar sa Kristiyanismo, sa tradisyon, sa lugar nito sinasabing inilibing ang santong pinagpangalangan ng ng simbahan, si San Pedro na isa sa mga apostol ni Hesus, na unang Obispo ng Roma at unang Santo Papa. Kahit na hindi nabanggit sa Bagong Tipan na nagpunta si San Pedro sa Roma o minartir siya rito, nakasaad sa lumang tradisyon na ang kanyang libingan ay nasa ilalim ng altar kaya maraming Papa, magmula sa mga kaunaunahan, ay inilibing dito. Ang paggawa sa bagong simbahan ay sinimulan noong Abril 18, 1506 at natapos noong taong 1626. Ito ay ginawa sa lugar kung saan itinatag ng emperador na si Konstantino, ang unang emperador ng Roma na naging isang Kristiyano. Dito ginagawa ang mga seremonya ng Santo Papa dahil sa angking nitong laki at lapit nito sa tirahan ng Papa.