Wikang Ingles
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Ingles o Inggles ay isang wikang Hermanikong nagmula sa Inglaterra na lumaganap sa mga kolonya ng United Kingdom.
Pangalawa ang Ingles sa pinakapopular na pangunahing wika (o inang wika) na mayroong 402 milyong mananalita noong 2002. Ito rin ang nangungunang ginagamit na pangalawang wika sa mundo.
Nagkaroon ng estadong lingua franca (wikang internasyonal) ang Inggles dahil sa mga impluwensyang pangmilitar, pampolitika, at pangkultura ng UK at di naglaon ng Estados Unidos. Hangga’t maaari lahat ng mag-aaral sa buong mundo ay kinakailangang matuto ng Inggles dahil kinakailangan ito sa maraming uri ng larangan at trabaho.
Ang Inggles ay ang pangunahing wika sa Australia, Bahamas, Barbados, Bermuda, Guyana, Ireland, Jamaica, New Zealand, Antigua, Saint Kitts and Nevis, Trinidad at Tobago, UK (Reino Unido)at Estados Unidos.
Ang Ingles ay isa sa pangunahing wika sa Belize (kasama ang Espanyol), Canada (kasama ang French), Cameroon (kasama ang Frances at ibang wikang Africano), Dominica, St. Lucia at Saint Vincent and the Grenadines (kasama ang French Creole), Federated States of Micronesia, Ireland (kasama ang Irlandes), Liberia (kasama ang mga wikang Africano), Singapore, at South Africa (kasama ang Afrikaans at iba pang wikang African).
Ito ay wikang opisyal (o isa sa mga wikang opisyal), ngunit hindi katutubo, sa Fiji, Ghana, Gambia, Hong Kong, India, Kiribati, Lesotho, Kenya, Namibia, Nigeria, Malta, Marshall Islands, Pakistan, Papua New Guinea, Pilipinas, Puerto Rico, Solomon Islands, Samoa, Sierra Leone, Swaziland, Tanzania, Zambia, at Zimbabwe. Ito rin ay malawakang gingamit, ngunit hindi opisyal, sa Israel at ng lumalaking bilang ng mga bansa gaya ng Switzerland, Norway, at Alemanya.