Slam Dunk
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Slam Dunk ay isang 31-volume na Japanese manga na ginawa ni Takehiko Inoue. Ang manga ay tungkol sa isang basketball team sa Shohoku High School.
Naging sikat ito sa Japan at naghikayat ng maraming Hapones na tinedyer na maglaro ng basketbol. Dahil sa pagkahilig ng mga Pilipino sa larong basketbol, sumikat rin ito sa Pilipinas.
Isang 101-episode anime TV series at 4 na pelikula na binase sa manga ang naisagawa. Sinusunod ng anime series ang orihinal na istorya sa manga, pero binago ng konti ang katapusan nito. Ang mga pelikula naman ay gumagamit ng mga istoryang hindi magkaugnay sa isa't isa.
Sa Japan, inilathala ito sa Weekly Shonen Jump. Sa Pilipinas, inilalathala ng Summit Media Publishing ang Ingles na bersyon ng manga.
[baguhin] Istorya
Ang bida ng manga na ito ay si Hanamichi Sakuragi. Sa simula ay isa siyang lalaking tinedyer na mahilig makipag-away sa iba para maging sikat, kaya siya ay naging lider ng grupo niya. Ayaw ng mga babae kay Hanamichi at limampung beses siyang tinanggihan ng mga ito na maging kasintahan niya.
Di nagtagal at nalaman ni Hanamichi na si Haruko Akagi ang babaeng pinapangarap niyang makasama. Nakita naman ni Haruko ang potensyal ni Hanamichi sa isports, kaya sinamahan niya si Hanamichi sa koponan ng basketbol sa Shohoku.
Sa simula ay ayaw ni Hanamichi na sumali sa koponan dahil wala siyang alam sa basketbol at akala niya na ang basketbol ay linalaro lamang ng mga talunan. (Sa totoo, ang ikalimampung babaeng tumangging maging kasintahan niya ay may gusto sa isang basketbolista.)
Sa kabila ng pagka-immature at ang pagkamainitin ng ulo niya, pinatunayan ni Sakuragi na isa siyang natural na atleta. Sumali siya sa koponan para ma-impress si Haruko sa kanya at para mapatunayan niya na karapat-dapat siya para kay Haruko.
Sumali rin sa team si Kaede Rukawa, isang star rookie at "girl magnet" na karibal ni Sakuragi sa basketbol at sa pag-ibig. Bumalik rin sa team sina Mitsui Hisashi, isang dating junior high school MVP, at si Ryota Miyagi, isang manlalaro na pandak pero mabilis kumilos. Kasama ang isa't isa, sisikapin nilang makamit ang pangarap ni Takenori Akagi, ang team captain, na maging kampeon sa bansa ang Shohoku High. Di nagtagal at naging sikat sila at ang koponan ng basketbol sa Shohoku ay naging all-star contender ng Japan.
[baguhin] Ang Pag-ere ng Anime sa Pilipinas
Taong 1995 unang lumabas sa Pilipinas ang anime na bersyon nito, sa istasyong ABC.
Pero mas sumikat ang anime na ito nang ipalabas ito sa GMA noong Mayo 6, 2002. Noong 2004, ipinakita rin sa GMA ang apat na pelikula ng Slam Dunk bilang mga "bagong episodes" ng programa.